Zarate: Halos 4 na oras na biyahe ni Panelo, patunay ng mass transport crisis

By Rhommel Balasbas October 12, 2019 - 04:51 AM

Sinopla ng isang mambabatas si Presidential Spokesperson Salvador Panelo matapos igiit na walang transport crisis sa Metro Manila sa kabila ng apat na oras na biyahe nito papuntang Malacañang.

Ayon kay House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate, kung walang transport crisis ay hindi dapat ganoon naging katagal ang biyahe ni Panelo.

Ang apat na oras na biyahe ay malapit na anya sa kabuuang oras ng biyahe patungong Baguio.

Iginiit ni Zarate na araw-araw na ginagawa ng mga ordinaryong tao ang ganitong biyahe at napakaraming oras at pagod ang nasasayang.

Hindi rin umano nakuha ng kalihim ang layon ng challenge.

Giit ng mambabatas, ang problema sa transportasyon ay nangangailangang solusyonan agad ng gobyerno.

“Kung walang krisis sa transportasyon, malapit na dapat siya sa Baguio sa ganoong katagal na biyahe. Araw-araw itong ginagawa ng mga karaniwang tao at napakaraming oras at pagod nila ang nasasayang,” ani Zarate.

Para naman kay Bagong Alyansang Makabayan secretary general Renato Reyes Jr.n ang apat na oras na biyahe ni Panelo ay pagpapatibay lang sa puntong may krisis sa transportasyon.

“Halos 4 na oras na biyahe, tapos 4 na palit ng jeep, may motorcycle pa. Hindi pa nga ba crisis ‘yun, Sec? Thank you for proving our point, kahit matagal nang alam ‘yan ng karamihan,” ani Reyes.

Late na nga rin anya ang kalihim sa pasok kung susundin ang operating hours ng gobyerno.

Tinawag naman ni Anakbayan national spokesperson Alex Danday na ‘photo opp’ ang ginawa ni Panelo na dapat sana ay tyansang makita kung ano ang nararanasan ng mga commuters araw-araw.

Ayon kay Danday, hindi nararapat para sa mga estudyante at mangagawang commuter ang klase ng transportation system na mayroon ang bansa.

TAGS: commute challenge, House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate, militant leaders, Presidential Spokesperson Salvador Panelo, transport crisis, commute challenge, House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate, militant leaders, Presidential Spokesperson Salvador Panelo, transport crisis

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.