Matapos mag-commute, Panelo nanindigang walang ‘mass transport crisis’

Kahit inabot ng halos apat na oras sa kanyang ‘commute’ makarating lang ng Malacañang, nanindigan si Presidential Spokesperson Salvador Panelo na walang ‘mass transport crisis’ sa Metro Manila.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ng kalihim na ang mayroon lamang ay traffic crisis at hindi transportation crisis.

Giit ni Panelo, kung may transport crisis ay dapat walang masakyan at paralisado ang buong sistema ng trapiko.

“Walang duda na mayroong traffic crisis pero hindi transportation crisis kasi when you say transportation crisis wala ka nang sinasakyan, paralyzed ang buong traffic,” ani Panelo.

Lumala man anya ang pag-commute sa Metro Manila, hindi pa rin ito matatawag na krisis dahil nakakasakay pa naman ang commuters.

Tiniyak ni Panelo na bagama’t may mga problemang kinahaharap sa transportation system ay may ginagawa ang gobyerno para rito.

Itinanggi rin ng kalihim na hindi siya nakikisimpatya at ang iba pang miyembro ng Gabinete sa riding public.

Nakaapat na jeep si Panelo at sumakay nang motorsiklo at nakarating sa Malacañang ng 8:46 ng umaga.

Read more...