Nagkagulo sa Makati City Hall matapos isilbi ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang suspension order laban kay Makati Mayor Junjun Binay.
Kabilang sa mga nasugatan ang tatlong pulis at limang mga tagasuporta ng pamilya Binay.
Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Eric Enriquez, Bantay-Bayan ng Barangay Carmona sa Makati, bigla na lamang nagkagulo nang dumating si DILG-NCR Officer-in-charge Director Ma. Lourdes Agustin, para isilbi ang suspension order.
Itinulak umano ng mga pulis ang mga supporters at pinaaalis sila sa lugar at doon na nagsimulang magkagulo. Nagkabatuhan ng silya at mga bottled water.
Nasugatan sa ulo si Enriquez. Ayon kay Enriquez hindi na niya matandaan kung ano ang inihampas sa kaniya ng mga pulis dahilan para magkaroon ng putok ang kaniyang ulo.
Dahil sa matinding tensyon, ipinaskil na lamang sa labas ng main entrance ng Makati City Hall building ang suspension order kay Binay.
Nanindigan din ang mga supporters na manatili sa lugar at sinabing haharangin nila ang mga magtatangkang pababain si Mayor Binay na nasa ika-21 palapag ng gusali.
Samantala, matapos maisilbi ang suspension order kay Mayor Binay, agad namang nanumpa sa pwesto si Makati Vice Mayor Kid Peña bilang Acting Mayor ng lungsod. / Ruel Perez
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.