Sa isang media briefing araw ng Huwebes, sinabi ng MMDA official na dapat ihinto na ang pagtuturuan at dapat magtulungan na lamang ang lahat para matugunan ang transportation issues.
“Can we stop the hate? Please, let’s stop the hate and let’s help each other para matugunan ho natin itong lahat,” ani Pialago.
Para kay Pialago, masyadong ‘mabigat’ ang pagtawag na ‘krisis’ sa nararanasan sa transportasyon.
Gayunman, kung ganito anya ang nararamdaman ng mga mamamayan ay iginagalang ito ng MMDA.
Kasabay nito tiniyak ni Pialago may ginagawa ng gobyerno para tugunan ang problema.
Binanggit naman ng MMDA official na walang kapangyarihan ang MMDA sa paggawa ng mga polisiya para solusyonan ang problema sa trapiko.
Kinakailangan pa anya kasing aprubahan ng Metro Manila Council na binubuo ng mga alkalde ng Metro Manila ang kanilang mga suhestyon.
Matapos maaprubahan ang isang polisiya, sinabi naman ni Pialago na pwede itong ihinto ng korte na isa pang balakid sa MMDA.
Ilan sa mga polisiyang ipinatupad ng MMDA ngunit ipinahinto ay ang driver-only car ban at provincial bus ban sa EDSA.