Manila LGU: Isetann Mall hindi pa pwedeng magbukas ngayong araw

Iginiit ng pamahalaang lokal ng Maynila na hindi pa maaaring magbukas ang Isetann Mall-Recto ngayong araw.

Ito ay matapos ianunsyo ng mall ang kanilang muling pagbubukas halos dalawang araw pa lang nang sila ay isara mismo ni Mayor Isko Moreno.

Sa text message ni Manila Chief Public Information Officer Julius Leonen sa INQUIRER, sinabi nito na kailangan pa ang compliance ng operators ng mall sa ilang requirements.

Kabilang dito ay ang pagbabayad ng permits para sa kanilang cinemas at cinema snak bar.

“As per Bureau of Permits and Licenses Office, Isetann Mall Recto has yet to pay for permits of their cinemas as well as their cinema snack bar,” ani Leonen.

Ayon pa kay Leonen, may tax delinquencies din ang Isetann na aabot dapat sa P4 milyon ngunit dahil nag-avail ang mall ng tax amnesty program ng Maynila ay aabot na lang ito sa P2 milyon.

“In addition, they still have yet to pay for their tax delinquencies worth around P4 million, which is now at P2 million because they are availing the local government’s tax amnesty program,” dagdag ng opisyal.

Ayon kay Leonen, sakaling makasunod na sa requirements ang mall ay iprepresenta ito kay Moreno.

Kapag pinayagan nang magbukas muli ay maglalabas ang BPLO ng lift order at ang tanggapan mismo ang mag-aalis sa padlocks ng mall.

“And once may green light na po [Once they are given the green light], the BPLO will issue a lift order and they will be the ones to remove the padlocks at Isetann Mall,” giit ni Leonen.

Ipinahayag naman ni Leonen ang kasiyahan sa kahandaan ng mall operators na makipag-ugnayan sa Manila LGU para sa agarang pagpapasa ng requirements.

Ngayong araw nakatakdang ipasa ng Isetann ang kulang na requirements.

Manila PIO photo
Read more...