Walang mass transport crisis dahil wala namang paralysis sa transportasyon.
Ayon kay presidential spokesman Salvaodr Panelo, ang nararanasan ngayon ay krisis sa management sa Light Rail Transit (LRT) dahil hindi natutugunan ang problema sa railway system.
Sarado pa ngayon ang biyahe ng LRT line 2 mula Katipunan station hanggang Santolan station dahil sa nangyaring sunog kamakailan.
Ayon kay Panelo, may krisis din sa biyahe ng bus dahil sa hindi nakakayanan ang bugso ng mga pasahero.
Pero bagamat walang mass transport crisis, sinabi ni Panelo na pare-parehong nakarananas ang taong bayan ng paghihirap dahil sa matinding trapiko.
Bukas ay susubukan ni Panelo na sumakay ng jeepney at LRT matapos patulan ang commute challenge ng grupong Bayan at Anakbayan na maranasan ang kalbaryo ng mga ordinaryong pasahero.
Ayon kay Panelo, hindi na bago sa kanya ang pagko-commute dahil noong nakaraang dalawang buwan lamang ay napilitan siyang mag taxi dahil sa hindi niya mahanap ang kanyang driver.
Gayunman, aminado si panelo na hindi niya alam kung magkano ang pamasahe sa jeepney at LRT.
“That’s why I said walang crisis, wala naman kasing paralysis eh. Ang crisis, tayong lahat may crisis; we are suffering from it. May crisis doon sa management ng LRT pati iyong mga bus, iyon ang crisis. Pero iyong transport mismo, as a means of transportation, since walang paralysis, walang crisis. It doesn’t mean na hindi tayo nagsa-suffer. We are all suffering”, ayon pa kay Panelo.