Pananabotahe sa MRT 3 iniimbestigahan na – Abaya

MRT3
Inquirer file photo

Pinanindigan ni Transportation Sec. Jun Abaya na sinadya o kaya’y sinabotahe ang operasyon ng MRT 3 noong Biyernes kaya dalawang beses na naparalisa ang kanilang operasyon.

Sinabi ni Abaya na nakakapagtaka ang timing ng mga pangyayari dahil noong Biyernes rin nag-takeover ang Busan Transport Corporation na siyang bagong maintenance provider ng buong MRT 3 system.

Ayon sa kalihim, mukhang sinadyang galawin ang settings ng kanilang old signaling system kaya nagkaroon ng technical glitch sa buong sistema noong Biyernes.

Nilinaw din ni Abaya na walang naganap na “hostile takeover” sa pagkuha nila ng serbisyo ng Busan Transport Corporation dahil aboveboard ito at dumaan sa tamang proseso.

Sa ilalim ng kontrata, bukod sa pagiging maintenance provider sa araw-araw na operasyon ay isasalang din ng nasabing kumpanya sa overhaul ang 43 coaches ng MRT 3.

Ang nasabing kontrata ay nagkaka-halaga ng P3.8Billion na nauna nang sinabi ng ilang kritiko ng pamahalaan na isang uri ng fundraising para sa Liberal Party.

Nauna dito ay sinabi ni MRT-3 General Manager Roman Buenafe na may ilang mga tauhan na silang iniimbestigahan dahil sa paniniwalang sinabotahe ang operasyon ng train system noong Biyernes.

 

Idinagdag pa ni Abaya na nakahanda silang sumalang sa lahat ng uri ng imbestigasyon para patunayan na hindi nila pinababayaan ang kondisyon at operasyon hindi lamang ng MRT kundi maging ng mga tren ng LRT line 1 and 2.

 

Read more...