Malacañang umamin na si Duterte ang nagtalaga kay Espenido sa Bacolod City
Kinumpirma ng Malacanang na may kumpas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paglilipat ng assignment ni Police Major Jovie Espenido sa Bacolod city mula sa Ozamiz City.
Ayon kay presidential spokesman Salvador Panelo, marami kasing natanggap na reklamo si Pangulong Duterte kaugnay sa illegal na droga sa Bacolod City kung kaya inilipat niya roon si Espenido.
Hindi naman na tinukoy ni Panelo kung anong partikular na marching order ang ibinigay ng pangulo kay Espenido.
Naging kilala ang reputasyon ni Espenido matapos maitalaga sa iba’t ibang police station.
Si Espenido ang nagsagawa ng mga anti-drug operation laban kina Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa at Ozamiz Mayor Reynaldo Parojinog na kapwa napatay.
Sa Oktubre a-kinse inaasahang magreport sa Police Regional Office-Western Visayas ang dating hepe ng Ozamiz City.
Matatandaang itinalaga na ni Pangulong Duterte si Espenido bilang Iloilo City police chief para ipangtapat kay Iloilo Mayor Jed Patrick Mabilog na umano’y drug lord pero hindi natuloy dahil major pa lamang ang kanyang ranggo noon at hindi pa siya kwalipikado na maging chief of police sa isang highly urbanized area.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.