Manila Water nagbabala ng dagdag-singil at paglala ng trapik dahil sa SC ruling
Nagbabala ang Manila Water ng mas mataas na singil sa tubig at mas matindi pang trapik sa Metro Manila dahil sa utos ng Korte Suprema na nag-oobliga sa kanilang magbayad ng P921.5 million bunsod ng paglabag umano sa Clean Water Act.
Ayon kay Manila Water spokesman Jeric Sevilla, magtataas sila ng sewerage charge ng hanggang P26.70 per cubic meter kapag ipinatupad nila ang kautusan ng Supreme Court.
Paliwanag ni Sevilla, kailangan din nilang maghukay ng kilo-kilometrong haba ng kalsada kabilang sa EDSA kaya lalala anya ang trapik.
Sa ngayon anya ay nasa P3.5 billion na ang lugi dahil sa traffic congestion at maaari itong tumaas dahil sa SC ruling.
Sa utos ng korte noong August 6, pinagtibay ang ruling ng Court of Appeals na guilty ang Manila Water at MWSS ng paglabag sa Section 8 ng Clean Water Act, na ang mandato ay magkaroon ng koneksyon ang lahat ng sewage lines sa sewerage system sa loob ng 5 taon.
Sa kanilang apela ay sinabi ng Manila Water na sumunod na sila sa kanilang responsibilidad at hindi na sila dapat patawan ng multa.
Nagkaroon na umano ng interconnection ang 61,000 sa 63,000 na customers ng Manila Water sa kanilang sewer network noong 2009 na pasok sa five-year period.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.