Umento sa sahod ng mga nurse suportado ng DOH basta’t sapat ang budget
Nagpahayag ng suporta ang Department of Health (DOH) sa itinutulak na taas-sahod para sa mga nurses sa bansa.
Gayunman, sa Kapihan sa Manila Bay media forum araw ng Miyerkules, sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na suportado lang nila ang panukala nang buong-buo kung mayroong sapat na pondo para rito.
“If there is money to fund it, great, we support it 1000 percent,” ani Duque.
Ang pahayag ni Duque ay matapos pagtibayin ng Korte Suprema ang isang probisyon ng Philippine Nursing Act of 2002 na hindi dapat bababa sa salary grade 15 ang minimum pay ng mga public hospital nurses.
Pero hindi naman pinagtibay ng SC ang implementasyon ng nasabing probisyon dahil kailangan pa ng Kongreso na isabatas ito na nakadepende rin kung may sapat na pondo.
Ayon pa kay Duque, napakadaling magpahayag ng pagpabor para sa pagtaas ng sahod ngunit babalik at babalik anya sa tanong kung mayroon bang pondo para rito.
“That is now a DBM call and DOF… because it is easy to say yes, we give you a higher salary, we will give you more money. But where is the beef? At the end of the day, the question is meron bang pondo,” giit ng kalihim.
Sa kabila nito, kinikilala ni Duque ang mahalagang papel ng mga nurse sa healthcare system ng bansa.
Samantala, ayon kay Filipino Nurses United (FNU) president Eleanor Nolasco, hindi pondo ang kulang sa gobyerno kundi political will.
Inihalimbawa ni Nolasco ang pagkakataong ginusto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtataas sa sahod ng mga pulis at nagawa naman agad.
Hindi anya kapani-paniwala na walang pondo para sa mga nurse.
Giit ni Nolasco, may pera ang gobyerno kung gugustuhin lamang ngunit may isang libong dahilan para lamang hindi ito itulak.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.