Pinangunahan ni bagong Bureau of Immigration Commissioner Ronnie Gerona ng flag raising ceremony sa ahensya.
Ito ang unang pagkakataon na nakaharap ni Geron ang lahat ng mga empleyado ng BI matapos siyang italaga sa pwesto ni Pangulong Benigno Aquino III noong araw ng Huwebes.
Nauna rito, nakipagpulong na si Geron sa mga department heads ng BI noong Biyernes.
Sa isinagawang flag raising ceremony, hinikayat ni Geron ang may mga reklamo sa kanyang mga tauhan na agad itong iparating sa kanya.
Sinabi ni Geron na kung makukuha ang pangalan at may maipapakitang larawan ng mga inirereklamong tauhan ng BI ay kaagad itong maaaksyunan sa loob lang 24-oras.
Mahalaga aniyang kumpleto sa detalye ang reklamo para tiyak na tatayo sa korte.
Gayunman sinabi ni Geron kung wala namang larawan ay kanya pa ring paiimbestigahan ang reklamo.
Sa nasabi ring seremonya, tiniyak ni Geron na gagawin niya ang makakaya upang maging mabilis ang transaksyon sa ahensya.
Si Geron ang ipinalit kay dating BI Commissioner Siegfred Mison matapos sibakin ni Pangulong Aquino dahil sa mga maanomalya sa BI.