Galit na sinita ni Senator Cynthia Villar ang budget ng Department of Agriculture (DA) matapos nitong madiskubre na malaking pondo ang ilalaan sa research o pananaliksik ng isang programa.
Sa budget hearing sa Senado araw ng Miyerkules, nagtaka si Villar kung bakit malaking pondo ang inilaan ng ahensya sa research ng National Corn Program.
Nasa P150 million ang inilaan sa research sa ilalim ng panukalang pondo ng National Corn Program para sa susunod na taon.
“Parang lahat ng inyong budget puro research? Baliw na baliw kayo sa research. Aanhin niyo ba yung research,” pahayag ng senadora.
Nagtataka si Villar kung bakit malaki ang pondo sa research gayung mas mabuting itulong na lamang ito sa mga magsasaka.
Mas nanaisin anya ng magsasaka na makatanggap ng binhi at mga makina kaysa ibang bagay.
“Ako matalino akong tao pero hindi ko maintindihan yung research niyo, lalo na yung farmer. Gusto ba ng farmer yung research? Hindi ba gusto nila tulungan niyo sila? Bakit ba lahat ng budget niyo research?” ani Villar.
Sinabi naman ni National Corn Program national coordinator Lorenzo Carangan na tinutulungan nila ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pamimigay ng mga binhi at fertilizer.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.