Magalong: Albayalde nagsisinungaling ukol sa Pampanga drug raid
Inakusahan ni dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong si Philippine National Police (PNP) ng pagsisinungaling sa naging papel nito sa kwestyunableng drug raid sa Pampanga noong 2013.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado sa isyu ng “ninja cops” araw ng Miyerkules, sinabi ni Magalong na nagsinungaling si Albayalde kung ano talaga ang naging papel nito sa operasyon noong nagkaroon ng deliberasyon sa promosyon nito noong 2016.
“Wala po siyang ibang ginawa doon kundi i-deny lang na mayroon siyang alam tungkol sa nangyari. Puro denial lang talaga lahat,” ani Magalong.
Dagdag ni Magalong, nagsinungaling din si Albayalde nang itanggi nito na tinawagan niya ang noon ay police chief sa Central Luzon at ngayo’y Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief Aaron Aquino para pigilan ang pagsibak sa 13 pulis na dati nitong mga tauhan.
Samantala, sa parehong pagdinig ay idinawit din si Albayalde ni retired Police General Rudy Lacadin sa naturang drug raid kung saan milyong pisong halaga ng shabu ang narekober at naaresto ang isang Chinese national.
Nang itanggi ito ni Albayalde ay sinabi ni Magalong na nagsisinungaling na naman ang PNP chief.
Iginiit ni Magalong na mayroong nagsisinungaling sa hearing at tiyak siyang hindi siya ito at si General Lacadin kundi si Albayalde.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.