Ipinasara ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang Isetann Mall dahil sa ilang paglabag sa ordinansa at misrepresenting applications sa mga permit, araw ng Miyerkules (October 9).
Personal na ipinaskil ni Mayor Isko Moreno ang inilabas na closed sign sa main entrance ng isa sa pinakamatatandang shopping mall sa bahagi ng Recto Avenue.
Ayon kay Moreno, ipinasara ang mall dahil sa ilang misrepresentation ng aktwal na lugar ng mall at kwestyunableng bilang ng mga empleyado.
Ito ay batay sa memorandum ng Bureau of Permits ng lungsod para irekomenda ang pagpapasara sa mall.
Nasa 1,000 square meters lamang na may sampung empleyado ang idineklara ng Tri-Union Properties, Inc. sa kanilang business permit.
Wala namang business permit ang Property Management functions and services para sa Isetanna Cinerama Complex ng Trans-Orient Management Services, Inc.
Sinabi pa ni Moreno na nagpapaupa ang mall ng mga stall ngunit walang balidong business permit bilang lessor.
Samantala, ani Moreno, maaari muling magbukas muli ang pamunuan ng mall oras na sumunod sa mga requirement ng lokal na pamahalaan.