Panelo tinanggap ang hamon na mag-commute
Tinanggap ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo ang hamon na sumakay ito ng LRT at jeep para maranasan ang kalbaryo ng mga pasahero.
Tugon ito ni Panelo sa hamon ng militanteng grupo na Kilusang Mayo Uno (KMU) na sumakay ito ng pampublikong transportasyon matapos nitong sabihin na wala namang umiiral na mass transportation crisis sa bansa.
Unang sinabi ni Panelo na isang “silly challenge” ang ginawa ng grupo pero nagbago ito ng isip Miyerkules ng gabi.
Sa isang pahayag ay sinabi ng kalihim na tinanggap niya ang hamon na mag-commute.
Sa Biyernes ay sasakay umano si Panelo ng jeep at LRT sa pagpunta sa trabaho.
Una rito ay umani ng batikos ang opisyal matapos na sabihin na para makarating ng “on time” sa pupuntahan ay umalis ng maaga.
Sinabi ng mga pasahero na hindi alam ni Panelo ang tunay na hirap sa pagko-commute na kahit maaga na ang pag-alis ay late pa rin sa trabaho o eskwelahan dahil sa matinding trapik at hirap na makasakay sa mga pampublikong sasakyan.
Bago dito ay magkakasunod na nagka-aberya ang Metro Rail Transit-3 (MRT-3), Light Rail Transit-1 (LRT-1) at ngayon ay limitado ang operasyon ng Light Rail Transit-2 (LRT-2).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.