Mga Pinoy workers binalaan sa muling pagsiklab ng gulo sa Hong Kong
Dahil sa muling pagkakaroon ng mga kaguluhan sa ilang bahagi ng Hong Kong ay pinayuhan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga Pinoy workers doon na umiwas muna sa mga lugar na mayroong kilos-protesta.
Isang advisory rin ang kanilang inilabas para sa mga Pinoy sa lugar na manatiling naka-alerto at huwag makihalo lalo na sa mga political activities sa lugar.
Mismong si Labor Secretary Silvestre Bello III ang nakatanggap ng ulat kaugnay sa mga planong paglusob ng ilanng ralyista sa ilang lugar sa nasabing Chinese territory.
Pinapayuhan rin ang mga Pinoy doon na umiwas sa pagsusuot ng mga puti at itim na mga damit na karaniwang ginagamit ng mga political activists.
Sinabi ng Philippine Consulate General sa Hong Kong, na kasado na ang mga aktibidad sa ilang mga lugar:
Tsim Sha Tsui Police Station (October 10);
New Town Plaza Shatin (October 12);
Victoria Park and Edinburgh Place (October 13);
Edinburgh Place and Chater Garden (October 14);
Resumption of Legislative Council (October 16);
The Riverpark Tai Wai to Shatin (October 20);
Yuen Long MTR Station (October 21);
Tamar Park Admiralty (October 26); and
Prince Edward MTR Station (October 31).
Ayon sa DOLE, umaabot sa 150,000 ang mga manggagawang Pinoy sa Hong Kong.
Kahapon ay muling sumiklab ang gulo sa ilang bahagi ng Hong Kong kung saan ay naapektuhan rin pati ang rail system sa lugar.
Kamakailan ay nilusob rin ng mga ralyista ang paliparan sa lugar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.