D.A sinisi ng samahan ng hog raisers sa posibleng paglala pa ng ASF sa bansa

Inquirer file photo

Nanganganib na mahawa sa African Swine Fever ang 8 milyong mga baboy sa bansa ayon sa Philippine Association of Hog Raisers Inc. (PAHRI).

Ito ay kung patuloy na mababalam ang financial assistance na kanilang inaasahan mula sa Department of Agriculture.

Nilinaw ni Nicanor Briones, vice president ng PAHRI, na dahil delayed ang dapat na ibibigay na P3,000 tulong sa bawat isang baboy na ASF-infected ay napipilitan ang ilang hog raisers na itapon na lamang ang mga ito kung saan-saang lugar kabilang na sa ilog.

Simula noong August 17 ay hindi pa umano nababayaran ang ilang mga hog raisers na naapektuhan ang mga alaga ng ASF.

“Paanong mangyayari na magsu-surrender ang magbababoy eh tatatlong libo na, uutangin pa. Ang pagbabayad sa Pampanga ay sa December pa magbabayad. Malaking kalokohan,” paliwanag ni Briones.

Umaasa rin si Briones na madagdagan ang bayad sa mga baboy na isasailaim sa “culling” para hindi mabaon sa pagkakautang ang mga hog raiser.

Nauna nang sinabi ng Department of Agriculture na kontrolado na ang paglawak ng pinsala ng ASF sa bansa.

Read more...