Kabilang sina dating Philippine National Police chief Alan Purisima at dating Police Regional Office 3 chief Raul Petrasanta sa dumalo sa pagpapatuloy ng pagdinig ng senado hinggil sa ‘ninja cops’.
Bahagi kasi ng naging testimonya ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na si Purisima ang nag-utos sa kaniya para imbestigahan ang mga pulis ng Pampanga na nagsagawa ng operasyon kontra ilegal na droga dahil sa nakitaan sila ng kakaibang pamumuhay matapos ang operasyon kasama na ang pagkakaroon ng SUVs.
Si Purisima ang PNP chief nang mangyari ang kontrobersyal na buy-bust operation sa Pampanga noong November 2013.
Si Petrasanta naman ang nag-utos noong 2014 na masibak ang 13 Pampanga police na sangkot sa buy-bust.
Ang nasabing mga pulis ay tauhan ni PNP chief Oscar Albayalde na noon ay Pampanga Police director.
Muli ring dumalo sa pagdinig ngayong araw si Albayalde.