Bagong traffic scheme sa SLEX ipinatupad na
Epektibo na ang bagong traffic scheme sa east service road ng South Luzon Expressway.
Ito ay sa layuning matugunan ang matinding pagsisikip sa daloy ng traffic na nararanasan sa northbound lane ng SLEX.
Simula alas 10:00 ng gabi ng Martes (Oct. 8) nagpatupad na ng one-way traffic sa east service road northbound mula Alabang hanggang Sucat Interchange.
Ang mga sasakyang patungong Alabang ay sa west service road o sa SLEX Sucat Entry Southbound Toll Plaza pinadadaan.
Kasabay ng bagong traffic scheme ay inilipat din ang toll plaza entry ng Alabang Northbound sa ilalim ng Skyway On-Ramp malapit sa Amkor Anam.
Samantala, simula sa Oct. 14, dahil sa nagpapatuloy na konstruksyon ng Skyway Project, binago din ang oras ng pagdaan ng mga truck sa SLEX at sa Star Tollway.
Sa SLEX, maaring pumasok ang mga truck mula alas 9:30 ng umaga hanggang alas 4:00 ng hapon at alas 9:30 ng gabi hanggang alas 4:00 ng umaga.
Sa Star Tollway naman, maaring pumasok ang mga truck mula alas 8:30 ng umaga hanggang alas 3:30 ng hapon at alas 8:00 ng gabi hanggang alas 3:00 ng madaling araw.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.