Pialago kakasuhan ng cyberlibel ang 3 FB pages

Sasampahan ng kasong cyberlibel ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) spokesperson Celine Pialago ang mga administrators ng tatlong Facebook pages dahil sa pagkakalat umano ng maling balita ukol sa kanya.

Inireport ni Pialago sa Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ADC) sa Camp Crame ang mga social pages na nagkakalat ng fake news.

Pero pinabalik ito ng pulisya ngayong araw ng Miyekules.

Gayunman sinimulan nang hanapin ng PNP-ACG ang mga administrators ng mga inireklamong FB pages.

“I will be filing cyberlibel against three Facebook pages that spread fake news — fake news in a sense that they are putting words in my mouth. I never said those statements, and all of these affect all of us at the MMDA,” ani Pialago.

Ayon sa opisyal, nagpost ang tatlong FB pages ng kanyang larawan na may quote na nagsasabing kung walang masakyan ay wag na lang magtrabaho, bagay na ayon kay Pialago ay hindi niya sinabi at fake news.

Layon lamang anya na siraan siya ng mga FB pages na hindi muna niya pinangalanan.

 

Read more...