Ayon kay Sotto, kailangang ipatupad na ni Albayalde ang dismissal order laban sa kanyang mga dating tauhan sa Pampanga na sangkot sa drug recycling.
Ito anya ay bilang patunay na walang kinalaman si Albayalde sa kanilang maanomalyang aktibidad.
“The best way for the chief PNP to show that he does not have anything to do with them is to complete the proposal of the dismissal and file the necessary cases,” pahayag ni Sotto sa media sa forum sa Manila Hotel araw ng Martes.
Ayon sa senador, dapat nang sampahan ng kasong kriminal ang mga pulis dahil sa maling pagdeklara ng nakumpiskang droga at iba pang ebidensya.
Sa imbestigasyon ng Senado nabunyag ang anti-drug operation sa Mexico, Pampanga noong 2013 kung kailan si Albayalde ang dating police provincial director.
Ibinunyag ni dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief at ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong na nagkaroon umano ng mga SUV ang mga operatiba kabilang ang dating provincial director matapos ang kwestyunableng raid.
Sa testimonya naman ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief Aaron Aquino, tinawagan umano siya dati ni Albayalde para huwag munang ipatupad ang pagsibak sa 13 pulis.
Una nang inutos ni Albayalde ang re-investigation sa ninja cops at pagpataw ng kaukulang reklamo laban sa mga ito kapag napatunayan guilty sa alegasyon.