Albayalde dapat nang sibakin ang 13 ‘ninja cops’ ayon kay Sotto

By Len Montaño October 09, 2019 - 03:14 AM

Naniniwala si Senate President Vicenete Sotto III na dapat nang sibakin ni Philippine National Police (PNP) chief General Oscar Albayalde ang 13 dati nitong tauhan na tinaguriang “ninja cops.”

Ayon kay Sotto, kailangang ipatupad na ni Albayalde ang dismissal order laban sa kanyang mga dating tauhan sa Pampanga na sangkot sa drug recycling.

Ito anya ay bilang patunay na walang kinalaman si Albayalde sa kanilang maanomalyang aktibidad.

“The best way for the chief PNP to show that he does not have anything to do with them is to complete the proposal of the dismissal and file the necessary cases,” pahayag ni Sotto sa media sa forum sa Manila Hotel araw ng Martes.

Ayon sa senador, dapat nang sampahan ng kasong kriminal ang mga pulis dahil sa maling pagdeklara ng nakumpiskang droga at iba pang ebidensya.

Sa imbestigasyon ng Senado nabunyag ang anti-drug operation sa Mexico, Pampanga noong 2013 kung kailan si Albayalde ang dating police provincial director.

Ibinunyag ni dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief at ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong na nagkaroon umano ng mga SUV ang mga operatiba kabilang ang dating provincial director matapos ang kwestyunableng raid.

Sa testimonya naman ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief Aaron Aquino, tinawagan umano siya dati ni Albayalde para huwag munang ipatupad ang pagsibak sa 13 pulis.

Una nang inutos ni Albayalde ang re-investigation sa ninja cops at pagpataw ng kaukulang reklamo laban sa mga ito kapag napatunayan guilty sa alegasyon.

TAGS: 13 pulis, dapat sibakin, Dismissal Order, drug recycling, ninja cops, PDEA Chief Aaron Aquino, PNP chief Oscar Albayalde, Senate President Vicenete Sotto III, suv, 13 pulis, dapat sibakin, Dismissal Order, drug recycling, ninja cops, PDEA Chief Aaron Aquino, PNP chief Oscar Albayalde, Senate President Vicenete Sotto III, suv

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.