Malacañang: Kitty Duterte umaayos na ang lagay matapos magka-dengue
Pagaling na ang bunsong anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Veronica ‘Kitty’ Duterte matapos magka-dengue.
Sa briefing sa Malacañang araw ng Martes, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na batay sa nanay ni Kitty na si Honeylet Avanceña, ay umaayos na ang lagay nito.
“Ang pagkakaalam ko, pagaling na siya,” ani Panelo.
Nasa Davao City din umano sa kasalukuyan ang pangulo para alagaan ang kanyang anak.
Sinasabing matapos ang kanyang official visit sa Russia ay agad na tumungo ang pangulo sa ospital para tingnan ang lagay ni Kitty.
Samantala, hindi naman nagbigay ng opinyon ang Palasyo tungkol sa kontrobersyal na bakuna na Dengvaxia.
Si Kitty ay isa sa higit 800.000 na batang nabakunahan ng anti-dengue vaccine.
Ayon kay Panelo, hindi naman siya doktor kaya’t walang halaga ang kanyang opinyon.
“I am not a doctor, so my opinion would be incompetent,” ayon sa kalihim.
Sa kabila nito, patuloy naman anyang itinataguyod ng Department of Health (DOH) ang dengue immunization program nito matapos ang deklarasyon ng national dengue epidemic.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.