3 South Korean sa Pinas negatibo sa MERS-COV

NAIA screening pix via dot net
Inquirer.net file photo

Negatibo sa sakit na Middle East Respiratory Syndrome (MERS-COV) ang tatlong South Korean na nagpasuri dahil sa naranasan nilang mga sintomas ng sakit.

Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Department of Health Spokesperson Dr. Lyndon Lee Suy ngayong umaga, lumabas ang resulta ng isinagawang swab exams sa tatlong dayuhan at base sa resulta ay negatibo sila sa MERS-COV.

Posible ayon kay Lee Suy na ang naranasan nilang mga sintomas gaya ng lagnat at pagsusuka ay ordinaryong trangkaso lamang.

“Lumabas na ang resulta this morning and it turned out na negative naman sila. Maaring baka may trangkaso sila pero ang importante nung tinest natin for MERS-COV lumitaw na negatibo sila,” ayon kay Lee Suy.

Sinabi ni Lee Suy na mananatili sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang tatlong South Korean habang sila ay nagpapagaling sa kanilang lagnat. Sa sandaling tuluyan nang gumaling sa sakit ay papayagan na silang makalabas ng pagamutan.

Dahil sa nasabing development sinabi ni Lee Suy na nananatiling MERS-COV free ang Pilipinas.

Ang tatlong dayuhan ay dumating sa bansa noong June 22 at kusang nagpatingin sa ospital nang makaramdam ng lagnat at pagsusuka.

Muli namang umapela ang DOH sa publiko lalo na ang may mga history ng pagbiyahe na agad magpatingin sa duktor kapag nakaranas ng sintomas sa loob ng 14 na araw mula nang sila ay dumating sa bansa./ Dona Dominguez-Cargullo/Alvin Barcelona

Read more...