P102M halaga ng shabu nasabat mula sa isang Chinese national sa QC Memorial Circle

PDEA-NCR photo

Nasabat ng pinagsanib na pwersa ng PDEA-NCR at NCR-Regional Drug Enforcement Unit ang aabot sa P102M halaga ng shabu mula sa isang Chinese national sa loob ng Quezon City Memorial Circle, Martes ng gabi.

Ayon kay PDEA-NCR Regional Director Joel Plaza, nakilala ang suspek na si Hongbo He, 45 anyos, businessman at residente ng Mariveles, Bataan.

Naaresto ang Chinese national sa loob ng parking area ng QCMC matapos makipagtransaskyon sa PDEA agent.

Ayon kay Plaza, tatlong linggong minanmanan ang suspek matapos silang makatanggap ng tip ukol sa pagbebenta at distribusyon nito ng iligal na droga sa Metro Manila.

Sinasabi ring miyembro ang suspek ng isang Chinese international drug syndicate.

PDEA-NCR photo

Nakuha mula sa operasyon ang 15 pirasong plastic packs ng shabu na may bigat na 15 kilo at may halagang P102 milyon, cargo van vehicle at buy-bust money.

Sasampahan ang Chinese national ng patong-patong na kaso dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Una rito ay 10 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P68 milyon ang nakumpiska sa isa ring Chinese national at 2 Pilipino sa hiwalay na operasyon ng PDEA sa Barangay Sienna.

 

Read more...