May kaugnayan ang kaso sa hazing at maltreatment na naging dahilan ng kamatayan ng 20 anyos na plebo.
Batay sa dokumentong ipinadala sa INQUIRER.net ni Brig. Gen. Israel Ephraim Dickson, director ng Police Regional Office Cordillera, nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Hazing and Anti-Torture Laws ang sumusunod: Cadet 1st Class Axl Rey Sanopao; Cadets 3rd Class Shalimar Imperial, Felix Lumbag Jr., Julius Carlo Tadena, John Vincent Manalo, at Rey David John Volante; at Cadet 2nd Class Christian Zacarias.
Ang pitong PMA cadets ang sangkot sa pagbugbog kay Dormitorio simula August 19 hanggang namatay ito sa isang ospital ng PMA noong September 18.
Isinampa ng Baguio City Police Office (BCPO) at pamilya Dormitorio ang mga reklamo sa Baguio City Prosecutor’s Office.
Una nang tinanggal sa PMA sina Sanopao, Imperial at Lumbag.
Ayon naman kay Baguio police director Col. Allan Rae Co, kasama sa asunto ang dalawang tactical officers at tatlong doktor ng PMA.
Ito ay sina Maj. Rex Bolo, Capt. Jeffrey Batistiana, Capt. Flor Apple Apostol, Capt. Maria Ofelia Beloy, at Lt. Col. Cesar Candelaria.
Kinasuhan ang tatlong doktor dahil sa tinatawag na “dereliction of duty” na nagresulta sa kamatayan ni Dormitorio.