Sa pulong ng joint technical working group ng House Committees on Government Reorganization at Public Works and Highways, sinabi ni Albay Rep. Joey Salceda na target na maaprubahan sa Enero 2020 ang pagkakaroon ng water department.
Sa pagbabalik naman ng sesyon ng Kamara ay tatapusin naman ang report para sa pagapruba ng komite sa substitute bills ng panukala.
Sa oras na maipasa ang DOWR, agad na hihilingin ang paglalaan ng pondo sa ahensya para sa missionary water connection upang makabitan ng koneksyon ng tubig ang mga kabahayan lalo na ang mga nasa malalayong lugar at mga conflict-affected areas.
Lumalabas sa ginawang pagpupulong na 43% lamang sa bansa ang may water connection at maraming mapagkukunan ng tubig na hindi naman nama-manage o nagagamit ng tama.
Pinag-aaralan din ng dalawang komite kung maaaring i-advance ang P420 Billion na pondo sa waste water management sa loob ng 20 taon.
Aabot lamang sa 24% ang waste water treatment ng Maynilad at Manila Water kaya ang mga tubig na lumalabas sa mga kabahayan papuntang kanal, ilog at dagat ay madumi o hindi treated.
Samantala, suportado naman ng mga stakeholders na dumalo sa pulong ang pagtatag ng Department of Water Resources at Commission on Water Resources.