Kasabay ng pagsisimula ng election period, pinapaalalahanan na rin ng mga New People’s Army (NPA) ang mga kakandidato sa halalan na magbayad sa kanila ng “permit to campaign” o PTC sa mga kontrolado nilang lugar.
Hindi bababa sa tatlong kandidato sa lokal na posisyon sa Quezon province ang nagsabing sila’y nakatanggap ng liham mula sa NPA tungkol sa paniningil ng PTC fees.
Tumangging magpakilala ang tatlong lokal na kandidato, pero sinabi nila na bagaman nais nilang huwag nang patulan ang pangingikil ng rebeldeng grupo, baka makipag-kompromiso na lamang sila o kaya ay magbigay na lang ng mas maliit na halaga kumpara sa hinihingi ng mga ito.
Isang reelectionist mayor sa Bondoc peninsula ang nagsabing natanggap niya ang sulat na dinala ng isang barangay official sa kaniya noon pang nakaraang buwan, na nagpapa-alala sa kaniyang magbayad ng PTC fee, pero wala namang binanggit na halaga.
Isa pang kakandidato sa pagka-alkalde sa Lamon Bay sa Quezon ang nakatanggap rin ng ‘demands’ sa pamamagitan ng kaniyang cellphone.
Para sa nasabing kandidato, ang pagtanggap sa security escort mula sa pulis at militar ay maaring parehong makabuti at makasama dahil magkaroon man siya ng proteksyon, mawawalan naman siya ng boto sa mga lugar na kontrolado ng NPA.
Dalawang iba pang kandidatong nakapanayam ng Inquirer ang tumanggi sa security escorts na alok ng pulis at militar, sa paniniwalang mas gagawin lamang nitong komplikado ang sitwasyon.
Karamihan sa mga nakatanggap ng paalala mula sa NPA ay nagbabalak na lang makipag-negosasyon sa mga rebelde para iwas gulo.
Samantala, nanawagan ang commander ng Philippine Army’s 201st Infantry Brigade sa Quezon na si Brig. Gen. Erick Parayno sa mga kandidato na huwag bumigay sa mga hinihingi ng mga rebeldeng grupo.
Ani Parayno, wala silang dapat katakutan dahil humihina na ang pwersa ng mga rebelde.
Dagdag pa niya, hindi na matatapos ang pangingikil ng NPA kung palagi na lamang pagbibigyan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.