Election Protest ni dating Sen. Bongbong Marcos vs VP Robredo, isasalang sa deliberasyon ng SC
Isasalang sa En Banc session ng mga mahistrado ng Korte Suprema ngayong araw ang report ni Associate Justice Benjamin Caguiao kaugnay sa isinagawang recount/revision sa election protest na inihain ni dating Senador Bongbong Marcos sa Presidential Electoral Tribunal o PET laban kay Vice President Leni Robredo.
Ito ay matapos ang isinagawang revision ng Korte Suprema na tumatayong PET, sa 5,415 precincts mula sa Iloilo, Negros Occidental at Camarines Sur, ang tatlong pilot provinces na pinaniniwalaan ng batang Marcos na kuwestiyonable.
Matatandaang noon pang Setyembre 10 naisumite ni Justice Caguiao sa en banc ang kanyang report ngunit hindi naman inaksiyunan ng mga mahistrado.
Noong Oktubre 2 ay nagkaroon din ng deliberasyon ang mga mahistrado subalit hindi inaksiyunan ang report ni Justice Caguiao, sa halip ay itinakda ang panibagong deliberasyon sa Caguiao report ngayong araw.
Samantala, ngayong umaga ay inaasahang dadagsa ang mga taga-suporta ni VP Leni sa harap ng tanggapan ng Kataas-taasang Hukuman sa Padre Faura St.
Ayon sa mga organizer ng grupo, ipapanawagan nila sa mga mahistrado na ilantad sa publiko ang Caguiao report nakalalamang man o hindi sa resulta ng ginawang recount/revision ang Bise Presidente.
Matatandaang isa sa napagkasunduan ng dalawang kampo sa PET na kung anuman ang resulta ng revision ay magiging batayan ito kung itutuloy o hindi ang recount sa mga natitirang balota mula sa mga kinukuwestiyong lugar ng dating senador.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.