PAGASA: Typhoon ‘Hagibis’, papasok ng PAR sa Biyernes
Patuloy na binabantayan ang isang bagyo na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na may international name na ‘Hagibis’.
Ayon sa 4am weather update ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 2,420 kilometro Silangan ng Gitnang Luzon.
Taglay na ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 200 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 245 kilometro bawat oras.
Kumikilos ito sa direksyong Kanluran-Hilagang-Kanluran sa bilis na 30 kilometro kada oras.
Inaasahang papasok sa pinakadulong bahagi ng PAR ang bagyo sa Biyernes at hindi ito inaasahang tatama sa landmass.
Samantala, walang masyadong kaulapan na nakikitang makakaapekto sa loob ng bansa ngayong araw.
Ayon sa weather bureau, mainit at maliwalas pa rin ang panahon sa halos kabuuan ng bansa na may posibilidad lamang ng mga pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.
Walang nakataas na gale warning saanmang baybaying dagat ng bansa kaya’t ligtas na makapapalaot ang mga mangingisda.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.