DOH: Wala pang outbreak ng meningococcemia sa bansa
Umabot na sa 169 ang naitalang kaso ng meningococcemia sa bansa kung saan 88 ang nasawi mula January hanggang September 21 ngayong taon.
Ito ang lumalabas sa pinakahuling datos ng Department of Health (DOH) Epidemiology Bureau.
Pero kahit mas mataas ang bilang sa 162 cases at 78 nasawi sa kaparehong panahon noong 2018, tiniyak ni Health Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire na wala pang outbreak ng sakit.
“As of the moment, there is no meningococcemia outbreak in the country,” ani Vergeire.
Una nang kinumpirma ng health department araw ng Sabado ang dalawang kaso ng meningo sa Laguna at Batangas.
Sa ngayon ay hinihintay pa umano ang ulat ng Research Institute for Tropical Medicine para sa limang hinihinalang kaso ng sakit.
Nakikipag-ugnayan na umano ang DOH sa kanilang regional offices para sa pagbibigay ng post-exposure prophylaxis at pagbantay sa mga nakasalamuha ng mga nabiktima ng sakit.
Pinapupunta agad ni Vergeire sa pinakamalapit na ospital ang makararanas ng mga sintomas ng meningo.
Kabilang sa mga sintomas ng sakit ay mga pantal sa katawan, pananakit ng ulo, mataas na lagnat, pagsusuka at stiff neck.
Bagama’t nakamamatay, sinabi ni Vergeire na isang ‘highly preventable disease’ ang meningococcemia at pinayuhan ng publiko na tiyakin ang maayos na hygiene.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.