Bayan: Metro Manila nahaharap ngayon sa mass transport crisis
Iginiit ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na nahaharap na ang Metro Manila ngayon sa mass transport crisis.
Sa isang post, sinabi ni Bayan Secretary General Renato Reyes Jr. na nasa gitna ng transport crisis ang kalakhang Maynila dahil sa limitadong train system mayroon ang rehiyon at noong nakaraang linggo ay pare-pareho pang nakaranas ng aberya.
Ani Reyes, hindi siya makaalala ng isang pagkakataon noon na nasira sa iisang linggo ang LRT-1, LRT-2 at MRT-3.
Tinanong ng lider ng militanteng grupo kung hindi pa ba iimbestigahan ng Senado ang aberya sa train systems ng Metro Manila.
“We have a mass transport crisis as there are too few trains to ferry passengers to work and school. Of the limited trains we have, ALL THREE – LRT 1, LRT 2 and MRT 3, experienced glitches last week. Hindi pa ba ito iimbesigahan ng Senado? Kamusta ang budget ng mga ahensya,” ani Reyes.
“All three trains systems suffered glitches last week that disrupted their operations. Most serious of these was the LRT2. I cannot remember a time when ALL THREE— LRT1, LRT 2 and MRT 3 had glitches in the same week,” dagdag pa nito.
Magugunitang noong October 2 nagkaroon ng technical problem sa pagitan ng Ortigas at Santolan Stations sa MRT-3 kaya’t kinailangang magpababa ng pasahero.
Sa kasunod na araw, October 3, ang biyahe naman ng LRT-1 ay nilimitahan lang hanggang Monumento hanggang Baclaran dahil sa umano’y mechanical issues.
Makalipas ang ilang oras, nasunog naman ang rectifiers sa pagitan ng Katipunan at Anonas ng LRT-2 dahilan para mahinto ang operasyon ng train line.
Libu-libo ngayong commuters lalo na ang galing sa East ang apektado ng kawalan ng operasyon ng LRT-2.
Ayon pa kay Reyes, nais din malaman ng commuters ngayon kung may plano bang paunlarin ang mass transport system ng bansa o depende pa rin ito sa pagpabor sa negosyo ng iilan.
“Tanong ng commuters, may plano ba talaga para sa pagpapaunlad ng mass transport system sa bansa, sa balangkas ng serbisyo hindi negosyo? O depende pa rin ito sa pabago-bago ng administrasyon at kagustuhang mag-negosyo ng ilan,” dagdag ni Reyes.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.