MMDA: Dami ng mga sasakyan sa EDSA tataas hanggang 20% ngayong ‘ber months’

INQUIRER PHOTO / NIÑO JESUS ORBETA

Nakakaalarma na para sa Metro Manila Development Authority (MMDA) ang dami ng mga sasakyan sa EDSA.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni EDSA Traffic Head Edison “Bong” Nebrija na ngayong “ber months” ay inaasahan nila ang 15 hanggang 20 percent na dagdag sa mga sasakyan na babagtas sa EDSA.

Ayon kay Nebrija, mahigit 260,000 lamang ang kapasidad ng EDSA pero sa ngayon ay mahigit 400,000 na ang bumibyahe sa naturang pangunahing lansangan.

Hanggang sa Kapaskuhan anya ay maaaring umabot sa 480,000 na mga sasakyan ang gagamit sa EDSA na doble na sa carrying capacity nito.

Dagdag ng EDSA Traffic Head, dahil sa problema sa volume ng mga sasakyan sa EDSA ay muli nilang isinusulong ang volume reduction scheme gayundin ang paghikayat sa publiko ng carpooling.

Bukod dito ay patuloy ang pagsasaayos ng MMDA sa loading at unloading areas gayundin ang pagdisiplina sa mga pasahero, drivers ng mga pampublikong sasakyan at motorista.

Samantala, bago matapos ang Oktubre ay makikipag-usap ang MMDA sa mga mall owners kaugnay ng pagbabawal ng “sale” tuwing weekdays at imumungkahi nila na maging alas 11:00 ng umaga ang simula ng kanilang operasyon.

 

Read more...