35 babaeng Chinese nailigtas, 31 na mga empleyado at customers arestado sa prostitution den sa Makati

By Len Montaño October 08, 2019 - 01:41 AM

(UPDATE) Tatlumput-limang babaeng Chinese nationals ang nailigtas ng mga otoridad sa pagsalakay sa isang hotel na umanoy prostitution den sa Makati Avenue, Makati City Martes ng madaling araw.

Arestado naman ang nasa 18 na lalaking Chinese nationals at 11 Filipinong empleyado ng estiblisyimento.

Ayon kay Makati Police chief Sr. Supt. Rogelio Simon, ni-raid ang hindi pa pinangalanang hotel matapos ang tip na isa itong prostitution den.

Nakuha sa lugar ang ilang kahon na naglalaman ng mga condom na may Chinese markings, mga lighter at mga damit na mga pambabae at costumes.

Nabatid na online ang transaksyon kung saan nagkakaroon na ng booking sa mga babaeng Chinese at pagdating ng customer sa hotel ay sasabihin na lamang nito ang numero ng babae.

Nakita sa hotel ang locator chart o white board kung saan naroon ang booking ng mga babae.

Karamihan umano sa mga parokyano ng mga babae ay mga lalaking Chinese nationals na nagtatrabaho sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Ayon sa pulisya, wala namang menor de edad sa mga babae pero susuriin pa ang kanilang mga dokumento kung mayroon silang mga kaukulang permit para magtrabaho sa bansa.

Nahaharap ang mga naaresto sa kasong paglabag sa Anti-Trafficking Act of 2003 at ipapasara ang hotel.

Ito na ang ikaapat na pagsalakay ng otoridad sa mga establisyimento na hinihinalang prostitution den at kung saan mga Chinese nationals ang nagtatrabaho at customers.

 

TAGS: Babaeng Chinese, Condom, hotel, lalaking Chinese, Makati Avenue, Makati Police chief Sr. Supt. Rogelio Simon, online booking, POGO, prostitution den, Raid, Babaeng Chinese, Condom, hotel, lalaking Chinese, Makati Avenue, Makati Police chief Sr. Supt. Rogelio Simon, online booking, POGO, prostitution den, Raid

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.