Mayor Isko pinasusuko ang 3 pang nangholdap sa truck driver sa Road 10

By Len Montaño October 08, 2019 - 12:07 AM

Manila PIO photos

Timbog ang isa sa mga lalaking nangholdap sa isang truck sa Road 10, Tondo sa Maynila noong Sabado.

Naaresto ng Manila Police District Special Mayor’s Reaction Team (MPD-SMaRT) ang suspect na si alyas Toper.

Patuloy naman ang pagtugis sa mga kasama nitong sina Jack Dumapi, Junjun Barola at Jimwell Jimenez.

Nahuli ang suspect matapos mag-viral ang video ng netizen na si Ramir Biones kung saan mapapanood na lantaran ang pagnanakaw ng mga suspects sa isang truck driver sa Mel Lopez Boulevard.

Pwersahang binuksan ng apat na lalaki ang pintuan ng truck at ninakawan ang driver.

Iprinisinta si alyas Toper kay Mayor Isko Moreno na nagsabing hindi na lang materyales ang ninanakaw kundi maski gamit ng driver.

“Akala natin magtitino ang mga lokong ito. Lumala pa eh. Hindi lang sila nangunguha ng materyales sa trak. Pinapasok na ‘yung driver,” ani Domagoso.

Ayon sa alkalde, malaking tulong ang mga ibinabahagi ng publiko para maaaresto ang mga masasamang loob.

Kasabay nito ay umapela si Mayor Isko sa pamilya ng tatlo pang suspects na isuko na ang kanilang kaanak.

“Sa mga magulang ng mga ito, hawak na po namin ang mga pangalan. Hinahanap na po kayo ng mga alagad ng batas. Hinahanap po kayo. Mas gugustuhin kong buhay na makuha ang mga mahal niyong anak. Harapin na lang nila ‘yung ginawa nilang kawalanghiyaan, sa mata ng husgado, sa mata ng batas,” dagdag ni Moreno.

TAGS: alyas Toper, holdap, Mayor Isko Moreno, MPD-SMART, Road 10, Tondo, truck driver, viral video, alyas Toper, holdap, Mayor Isko Moreno, MPD-SMART, Road 10, Tondo, truck driver, viral video

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.