Senado may sapat na ebidensya laban kay Albayalde ayon kay Gordon

Inquirer file photo

Naniniwala si Senator Richard Gordon na mayroong sapat na impormasyon ang Senado laban kay Philippine National Police (PNP) chief General Oscar Albayalde ukol sa kontrobersya sa umano’y ninja cops.

Ayon sa senador, para sa kaniya, mayroong sapat na impormasyon para makapag-desisyon si Pangulong Rodrigo Duterte matapos nitong ihayag na kailangang magpakita ng malinaw na katibayang sangkot si Albayalde sa ilegal na droga.

Ani Gordon, nais niya ring imbitahin sa Senado ang PNP chief para sagutin ang ilang katanungan para maging patas.

Sinabi pa nito na mayroong mga paraan na sangkot talaga si Albayalde sa pamamagitan ng kapabayaan o bahagi talaga ng operasyon.

Kaugnay nito, sinabi ni Gordon na hindi muna sila maglalabas ng committee report dahil kailangan pa nila ng isa pang pagdinig kung saan ay muling pahaharapin si Albayalde at Baguio City Mayor Benjamin Magalong.

Hinintayin na lamang umano nila ang tugon ni Senate President Tito Sotto para muling maikalendaryo ang susunod na hearing ng Senate Blue Ribbon Committee.

Read more...