Ito ang inihayag ng PNP matapos sabihin ng presidente araw ng Linggo na buo pa ang tiwala niya sa PNP Chief.
“Lubos ang pasasalamat ni PNP Chief, Police General Oscar Albayalde kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa patuloy nitong tiwala at kumpiyansa sa kanya at sa buong PNP,” ayon sa PNP.
Ayon kay Duterte, hihintayin niya muna ang imbestigasyon ni Interior Sec. Eduardo Año sa isyung kinasasangkutan ni Albayalde bago magdesisyon.
Nais din ng presidente ng matibay na ebidesya ang mga nag-aakusa kay Albayalde.
Sinabi naman ng pambansang pulisya na makikiisa sila sa mga imbestigasyong isinasagawa ng Senado, Department of Justice (DOJ) at Department of the Interior and Local Government (DILG).
Tiniyak pa ng PNP na patuloy nilang pinaiigting ang kampanya kontra iligal na droga, kriminalidad at maging ang paglilinis sa kanilang hanay mula sa mga tiwaling pulis.
Una nang isiniwalat ni dating PNP Criminal Investigation and Detection Group at ngayo’y Baguio City Mayor chief Benjamin Magalong ang umano’y pakikialam ng PNP chief sa dismissal ng 13 ninja cops sa Pampanga noong 2013.