Isang banta sa demokrasya.
Ganito inilarawan ni Sen. Francis “Chiz” Escudero si Commission on Election (COMELEC) Commissioner Rowena Guanzon matapos nitong mag-matigas sa inilabas na direktiba ni Chairman Andres Bautista.
Pinagpapaliwanag kasi ni Bautista si Guanzon sa umano’y di otorisadong komento na kumakatawan sa COMELEC na inihain sa Supreme Court kaugnay sa petisyon ni Sen. Grace Poe na baliktarin ng kawanihan ang pagdiskwalipika nito sa kaniyang kandidatura sa 2016 elections.
Sa kaniyang pahayag, nanawagan si Escudero, na katandem ni Poe sa eleksyon, kay Bautista na bantayan at labanan ang kuntsabahan sa loob ng COMELEC na sumisira sa integridad nito, at ilahad kung sinu-sinong mga opisyal ang nananabotahe sa electoral process.
Noong Biyernes naglabas ng memorandum si Bautista na nagsasabing hindi otorisado ang inihaing komento ni Guanzon sa Korte Suprema sa ngalan ng COMELEC.
Nakasaad sa nasabing komento na pinababasura ng COMELEC sa Korte Suprema ang petisyon ni Poe na baliktarin ang desisyon ng poll body na diskwalipikahin ang kandidatura ni Poe sa pagka-pangulo dahil sa kabiguan niyang patunayan na isa siyang natural-born Filipino at na napunan niya ang 10-year residency requirement.
Dismayado rin si Escudero sa ipinapakitang “insubordination and disrespect” ni Guanzon kay Chairman Bautista.
Samantala, iginiit naman ng tagapagsalita ni Poe na si Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian na may kapangyarihan si Bautista na imbestigahan ang mga kasapi ng komisyon.
Nakakabahala na rin aniya para sa publiko ang nagaganap na iringan sa loob ng COMELEC.
Wala namang balak pa ang Malacañang na makisawsaw pa sa kaguluhang ito, pero sinabi ni Presidential Communications Sec. Herminio Coloma Jr., na nabanggit ni Bautista na iaakyat niya ang isyung ito sa full session ng komisyon.
Giit ni Coloma, isang independent body ang COMELEC kaya’t mas makabubuting hintayin na lamang nila ang magiging resulta ng pagpupulong.