P2 Million halaga ng shabu nasabat sa anti-drug operation sa QC

Inquirer file photo

Umaabot sa P2 Million na halaga ng shabu ang nasabat ng mga otoridad sa kanilang ginawang operasyon sa Regaldo street sa Quezon City kaninang hapon.

Sa inilabas na ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ilang linggo nilang sinubaybayan ang galaw ng ilang mga kalalakihan na kasapi sa isang drug syndicate sa lungsod.

Kanina ay nadakip nila ang apat na miyembro nito kung saan ay kanilang inamin na bukod sa Metro Manila ay nag-ooperate rin sila sa ilang lalawigan sa Central Luzon.

Pansamantala munang hindi isinapubliko ang pangalan ng mga nahuling suspek habang nagpapatuloy ang follow-up operations ng mga tauhan ng PDEA.

Sa paunang imbestigasyon sa mga suspek ay kanilang sinabi na courier lamang sila ng grupo at kumikita ng P10,000 bawat isa sa tuwing magkakaroon sila ng delivery ng iligal na droga.

Inihahanda na ang kaukulang kasong isasampa laban sa mga naarestong suspek may kaugnayan sa paglabag sa Dangerous Drugs Law.

Read more...