Sinuspinde ng Supreme Court si Atty. Larry Gadon bilang bahagi ng disciplinary action dahil sa paggamit ng hindi tamang pananalita.
Sa isang resolusyon ng Supreme Court 2nd division na may petsang June 26, kanilang sinabi na pinapatawan ng parusa si Gadon dahil sa paggamit ng “abusive and intemperate language” laban sa isang duktor at kapwa abogado.
Sinabi rin ng Mataas na Hukuman na pwedeng maging dahilan ng pagbaba sa tiwala ng mga tao sa hukuman kapag gumagamit ng nasabing uri ng pananalita ng mga kasapi ng Philippine Bar.
Kabilang sa mga nagreklamo kay Gadon ay isang dermatologist na naghain sa kanya ng disbarment complaint dahil sa isang insidente na kinasasangkutan nila noong 2009.
Kamakailan ay sinabi rin ng Free Legal Assistance Group (FLAG) na magsasampa sila ng disciplinary complaint laban kay Gadon dahil sa hindi nito pagdalao sa Mandatory Continuing Legal Education (MCLE) sa nakaraang sampung taon.
Si Gadon ay nahaharao rin sa apat pang disbarment complaints.
Kabilang dito ang reklamong isinampa noong 2016 kung saan ay sinabi ni Gadon na kailangang patayin ang mga Muslim sa Mindanao para makuha ang kapayapaan sa rehiyon.
Inireklamo rin siya ng isang nagngangalang Atty. Wilfredo Garrido Jr. dahil sa umano’y pagiging arogante sa pagdinig ng Kamara sa inihain niyang impeachment complaint laban sa pinatalsik na si dating Chief Justice Ma. Lordes Serreno.
Nakilala rin si Gadon sa kanyang “anti-bobo” campaign na kanya ring ginamit nang tumakbo siyang senador noong 2018.
Si Gadon rin ang abogado ni Joemel Advincula, alyas “Bikoy”.
Sa kanyang pahayag mula sa Moscow sa Russia, sinabi ni Gadon na wala pa siyang natatanggap na kopya ng utos mula sa Supreme Court.