P2.2B kontrata ng Comelec sa Smartmatic, pinaboran ng SC

 

Inquirer file photo

Walang nakitang problema ang Korte Suprema sa pinasok na kontrata ng Commission on Elections sa Smartmatic-Total Information Management Corp. para sa pag-upa ng 23,000 units ng Optical-Mark Reader machines na gagamitin para sa eleksyon sa May.

Sa botong 14-0 ibinasura ng Korte Suprema ang petition for certiorari na unang inihain ni dating Comelec Commissioner Augusto Lagman at mga convenors ng Automated Elections Systems Watch o AES Watch dahil sa kawalan ng merito.

Sa desisyon ng SC, sinabi nitong nagawang mapatunayan ng Smartmatic-TIM na 60 porsiyento ng kumpanya ay Filipino-owned, na isa sa mga kinukuwestyon ng AES Watch.

Hindi rin aniya sapat na dahilan ang inamyendang Articles of Incorporation ng Smartmatic upang ibasura ang naunang kontratang pinasok nito sa Comelec .

Una rito, binaligtad ng Comelec ang desisyon ng kanilang bids and awards committee na nagdidiskwalipika sa Smartmatic na lumahok sa bidding dahil sa depektibong Articles of Incorporation.

Dahil sa pagbaligtad na ito ng mismong Comelec, naghain ng reklamo ang AES Watch sa Korte Suprema.

Giit pa ng Korte Suprema, sa ilalim ng 2010 contract ng Smartmatic , inoobliga nitong bigyan ng tuluy-tuloy na technical support ang Comelec kahit tapos na ang 2010 elections.

Sa unang plano ng Comelec, dapat ay gagamitin lamang bilang dagdag na unit ang 23,000 piraso ng Optical Mark Readers sa naunang 81,000 Precinct Count Optical Scan machines na unang inupahan noong 2010 at binili ng ahensya sa Smartmatic noong 2012.

Gayunman noong April, binawalan ng SC ang Comelec na pumasok sa direct contract sa Smartmatic para sa repair ng mga lumang PCOS machines kaya’t muling uupa ng mga OMR machines ang komisyon.

Read more...