LRTA: Sunog sa LRT-2 hindi gawa ng mga terorista

Inquirer file photo

Nilinaw ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na hindi sinadya at hindi rin kagagawan ng mga terorista ang naganap na sunog sa rectifier ng LRT line 2.

Sa isang panayam, sinabi ni LRTA Spokesman Atty. Hernando Cabrera na walang indikasyon na sanhi ng arson o terror act ang naganap na insidente.

Pero tiniyak naman ng opisyal ng LRTA na tuloy pa rin ang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection at papunta na rin sa bansa ang ilang mga ekperto mula sa US para magsagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon.

Simula noong Huwebes ay tigil muna ang operasyon ng LRT-2 dahil sa sunog.

Pipilitin naman ng LRTA na maibalik ang kanilang operasyon sa Lunes o Martes pero magiging limitado lamang ito sa rutang Cubao-Rect vise-versa.

Nauna nang sinabi ni LRT-2 Administrator Reynaldo Berroya na posibleng abutin ng siyam na buwan bago maibalik ang normal na operasyon ng nasabing train system.

Sa ibang bansa pa kasi bibilhin ang mga kailangang spare parts ayon pa kay Berroya.

Read more...