Milyun-milyong gastos ng mga pulitiko sa eleksyon, gustong ipabusisi sa Senado
Dapat ituring bilang babala o ‘red flags for corruption’ ng taumbayan ang milyun-milyong pisong ginagastos ng mga pulitiko sa kanilang mga political advertisements.
Ito ang babala ni Senador Miriam Defensor-Santiago na balak din na maglunsad ng imbestigasyon sa Senado upang busisiin ang sobra-sobrang gastos sa mga advertisement ng kanyang mga kalaban sa pampanguluhang halalan.
Giit ni Santiago, walang ibang paraan ang mga pulitikong gumagastos ng todo para mabawi ang kanilang pera kung hindi sa pamamagitan lamang ng pagnanakaw sa kaban ng bayan o di kaya ay pagbibigay ng mga pabor sa mga campaign donors.
May dalawa aniya siyang panukalang batas na nakabinbin sa senado na hindi inaksyunan ng mga mambabatas.
Ito aniya ay ang anti-Premature campaigning Bill at ang CIRPO o Certificate of Intention to Run for Public Office Bill.
Sakaling inaksyunan ng mga mambabatas, makakatulong sana ang dalawang panukalang batas aniya upang mapigilan ang sobrang paggastos ng mga pulitiko tuwing eleksyon.
Matatandaang sa pinakahuling Nielsen report, lumilitaw na umaabot na sa P774 milyon ang ginastos ni Mar Roxas sa mga political advertisement.
P695 milyon naman ang gastos ni Vice President Jejomar Binay samantalang nasa P694 milyon naman si Grace Poe.
P129 milyon naman si Davao City Mayor Rodrigro Duterte.
Si Sen. Miriam Defensor Santiago naman ay wala pang inilalabas na political ad sa ngayon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.