Timbog ang limang Chinese at tatlong Pinoy matapos ang umano’y pagkidnap sa dalawang Chinese na nagtrabaho sa isang Philippine offshore gaming operations (POGO) firm sa BGC, Taguig.
Ayon sa pahayag ng Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) araw ng Biyernes, nailigtas ang mga biktima na sina Zhang Jia and Wang Zhe.
Nakilala ang mga sinasabing Chinese kidnappers na sina Chen Xingding, Zou Tian Cong, Gao Zhan, Yu Yang at Wang Jian Bo.
Ang tatlong Pinoy naman na sina Pepe Mengullo, Welson Borlado ay Jose Marlito Borja ay pawang security officers at hinuli dahil sa obstruction of justice.
Ayon kay Police Lt. Col. Villaflor Bannawagan ng PNP-AKG, pinangakuan ng mga suspek na Chinese ang mga biktima ng sahod na 10,000 Chinese Yuan kada buwan o P72,400.
Gayunman, nang magtrabaho na sa POGO, 7,000 yuan lamang ang kanilang natanggap.
Pinagbabayad pa ang mga biktima ng ginastos sa pagproseso sa kanilang mga dokumento.
Ayon sa mga biktima, September 16 nang iwan nila ang POGO firm at magdesisyong asikasuhin na ang kanilang travel documents pabalik ng China.
Pero, nang kukunin na nila ang kanilang mga dokumento ay dito na sila itinago ng mga Chinese na suspek at nanghingi ng ransom kapalit ng kanilang kalayaan.
Nakapagbayad ang pamilya ng mga biktima sa mga suspek ng 287,000 yuan o higit P2 milyon.
Pero hindi sila pinakawalan at isang kaibigan na ng mga biktima ang humingi ng tulong sa pulisya noong October 2.