Beteranong aktor na si Tony Mabesa pumanaw na, 84
Pumanaw na sa edad na 84 ang beteranong aktor at direktor na si Antonio ‘Tony’ Mabesa alas-10:15, Biyernes ng gabi.
Ayon sa pamilya, iaanunsyo ang detalye ng burol ng aktor ngayong araw ng Sabado.
Nagpasalamat ang pamilya sa mga nag-alay ng panalangin at nanawagan muna ng ‘privacy’ sa mga oras na ito.
Si Mabesa ay tinaguriang ‘Lion of the Theater’ dahil sa malaking kontribusyon nito sa Philippine Theater.
Nag-aral siya ng teatro sa University of the Philippines kung saan siya ay hinubog ng yumaong national artist for theatre Wilfrido Mr. Guerrero.
Nagtapos din si Mabesa ng master’s degree sa theatre arts sa University of California sa Los Angeles taong 1965.
Siya ang nagtatag sa Dulaang UP at UP Playwrights Theater na nakapagsagawa ng daan-daang mga dula.
Ilan sa mga naturuan ni Mabesa ay mga tanyag na pangalan sa Philippine theater tulad nina Nonie Buencamino, Shamaine Centenera, Irma Adlawan, Eugene Domingo, Frances Makil-Ignacio, Adriana Agcaoili, Banaue Miclat, Neil Ryan Sese at iba pa.
Sa huling mga taon ng kanyang buhay, ay pinasok ni Mabesa ang tv at film career.
Isa sa mga pinakahuli nitong pelikula ay ang “Rainbow’s” Sunset kung saan kasama niya ang pumanaw na ring si Eddie Garcia kung saan nagwagi siya bilang Best male Supporting Actor sa Metro Manila Film Festival (MMFF).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.