Toll sa SLEX dapat tapyasan ayon kay Sen. Grace Poe

By Jan Escosio October 04, 2019 - 06:20 PM

Inihirit ni Senator Grace Poe sa mga kinauukulang opisyal na magpatupad ng pagbawas sa toll sa SLEX bunga ng kalbaryong dinaranas ng mga motorista sa kanilang pagbiyahe.

Sinabi ni Poe, makatuwiran lang na mabawasan ang binabayaran ng mga gumagamit ng SLEX dahil sa mala-prusisyon nilang pagbiyahe simula noong nakaraang Setyembre 26.

Aniya ang ‘toll cut’ ay pagpapakita lang na nakikisimpatiya ang toll operator sa dinaranas na araw araw na bangungot hindi lang ng mga motorista kundi maging ng mga motorista.

Bumagal ng husto ang usad ng mga sasakyan hanggang sa pagbaba ng Alabang viaduct sa Muntinlupa City nang isara ang dalawang linya sa North-bound lane para sa ginagawang Skyway extension.

Ang mabigat na trapiko ay may pagkakataon na umaabot hanggang lungsod ng Sta Rosa sa Laguna ang dulo.

Binaha din ang social media ng galit ng mga naapektuhan ng matinding trapik.

Nangako naman si Abraham Sales, ang executive director ng Toll Regulatory Board (TRB) na tatalakayin nila ang hirit ni Poe.

Nabanggit din naman ni Sales na magpapasaklolo na sila sa MMDA para mapagaan ang traffic sa lugar simula sa susunod na linggo.

TAGS: Radyo Inquirer, South Luzon Expressway, toll, traffic, Radyo Inquirer, South Luzon Expressway, toll, traffic

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.