Muling iginiit ni Magdalo PL Rep. Gary Alejano kay Pangulong Noynoy Aquino na ipaubaya na lamang sa susunod na administrasyon ang pagpapatibay sa panukalang Bangsamoro Basic Law o BBL.
Ang pahayag sa kasunod na kumpirmasyon ni Pnoy na muli siyang makikipag-pulong sa mga kongresusta para magbaka-sakali na maipasa pa ang BBL sa nalalabing panahon ng 16th Congress.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Alejano na kailangang sa susunod na administrasyon na lamang matalakay at mapagtibay ang BBL dahil kung ipipilit ito ngayong nalalabing buwan ng Aquino administration, magkakaroon ito ng implikasyon sa eleksyon.
Ayon kay Alejano, huwag na raw magulat kung isang araw ay may lumabas na ulat na may political maneuver nang ginawa ang presidente para lamang makumbunsi ang mga mambabatas na ipasa ang BBL, gaya na lamang ng pagbibigay ng campaign fund o iba pang arrangement para sa halalan.
Babala ng Magdalo representative, kapag naipasa ng hilaw ang BBL sa natitirang panahon ni PNoy sa pwesto, ang susunod na administrasyon ang sasalo ang posibleng kaguluhan na maidudulot ng BBL.
Naniniwala naman si Alejano na malaki ang tsansa ng BBL sa bagong administrasyon dahil kapansin-pansin na halos lahat ng Presidentiables, kahit galing sa oposisyon, ay may desire na magkaroon ng kapayapaan sa Mindanao.