Binabantayang LPA nakakaapekto na sa Silangang Luzon

Nagdadala na ng mga pag-ulan ang binabantayang low pressure area (LPA) sa Silangan ng Luzon.

Batay sa 4am weather update ng PAGASA, huling namataan ang sama ng panahon sa layong 710 kilometro Silangan ng Baler, Aurora.

Ayon kay weather specialist Ana Clauren, posibleng tumama sa Hilagang Luzon ang LPA at matapos mag-landfall ay malulusaw na ito.

Dahil sa LPA, inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na mahihina hanggang katamtamang mga pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Camarines provinces, Aurora, Quezon at Catanduanes.

Posible ang mga pagbaha at pagguho ng lupa sa nabanggit na mga lugar.

Isang LPA pa ang binabantayan sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na sa ngayon ay wala pang direktang epekto sa anumang bahagi ng bansa.

Samantala, sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa, maalinsangang panahon pa rin ang mararanasan na may malaking posibilidad ng mga pulo-pulong pag-ulan, pagkulog at pagkidlat lalo na sa hapon o gabi dulot ng localized thunderstorms.

Walang nakataas na gale warning saanmang baybaying dagat ng bansa kaya’t ligtas na makapaglalayag ang mga mangingisda.

Read more...