Duterte, Putin magtutulungan para sa mas malakas na defense cooperation

PCOO photo

Nagkasundo sina Pangulong Rodrigo Duterte at President Vladimir Putin na palakasin ang defense cooperation ng Pilipinas at Russia.

Sa kanilang bilateral meeting sa Polyana Hotel, Sochi City, unang nabanggit ni Putin ang maagang pag-uwi ni Duterte sa Pilipinas noong 2017 mula sa kanyang unang state visit dahil sa Marawi Siege.

Dahil dito, nangako ang Russian president na handa ang kanilang bansa na tumulong sa Pilipinas sa paglaban sa terorismo.

“We are prepared in developing our partnership when it comes to countering terrorists,” ani Putin.

Kasabay nito, idiniga rin ni Pangulong Duterte kay Putin ang mas malalim na defense, security, military at technical cooperation.

Inalala ng pangulo ang port call ng BRP Tarlac sa Vladivostok noong 2018 na anya’y kauna-unahan para sa isang barko ng Pilipinas.

Ayon sa pangulo, makasaysayan ito at nagpapakita ng mas gumandang ugnayan ng Russia at Pilipinas.

“We’ve also made a historic first in the key strategic areas – from economic, defense security and military technical cooperation,” giit ng pangulo.

Una rito, nagpahayag ng kahandaan si Russian Ambassador Igor Khovaev na magsuplay sa militar ng Pilipinas ng mga military hardware kabilang ang AK-47 or Kalashnikov rifle.

Gayunman, hindi umuusad ang mga kasunduan sa Russia dahil sa defense agreement ng Pilipinas sa Estados Unidos at sa mga international sanctions laban sa Moscow.

Samantala, humarap din si Duterte sa mga opisyal ng Rosneft Oil Co. matapos ang courtesy call ng CEO nito na si Igor Sechin.

 

Read more...