Patay ang lider ng isang crime group at dalawang iba pa matapos silang makipagbarilan sa mga aarestong pulis sa Cagayan de Oro City Huwebes ng gabi.
Ayon kay Cagayan de Oro City police chief Major Evan Viñasm, nasawi si Marvin Fajardo at dalawa nitong tauhan.
Hindi na anya umabot ng buhay ang tatlong suspects sa J.R. Borja Memorial City Hospital.
Sa bisa ng arrest warrant na inilabas ng Municipal Circuit Trial Court ng Tanauan, Batangas, aarestuhin sana ang mga suspects dakong 6:45 ng gabi pero namaril ang mga ito sa mga pulis, dahilan kaya gumanti ng putok ang otoridad.
Nakuha sa bahay ni Fajardo sa Block 12, Lot 25, Portico II Grand Europa Village sa Barangay Lumbia ang ilang sports utility vehicles at armas.
Ayon kay Viñas, high-value target si Fajardo na ang operasyon ay sa Laguna at nagtatago lamang sa Cagayan de Oro City.
Si Fajardo ang lider ng notorious crime gang na sangkot sa extortion, kidnapping at robbery.
Una nang naaresto si Fajardo ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Batangas sa kasong drug trafficking pero napalaya rin ito.